CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang guro sa high school sa kanyang tinitirhan sa Tumauini, Isabela at nailigtas ang itinanan na menor de edad na dati niyang estudyante.
Ang inaresto ay si Farimar Magno, 40 anyos, may-asawa, guro at residente ng District 1, Tumauini, Isabela ng magkasanib na puwersa ng Tumauini Police Station at mga kinatawan ng DSWD at isang Violence Against Women and their Children Officer sa isinagawa nilang operasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Senior Inspector Allen Alcido, hepe ng Tumauini Police Station na nagreklamo sa kanilang himpilan ang mga magulang ng biktima kaugnay sa pagtanan umano ng guro sa kanilang anak noong March 4, 2017.
Mismong ang mga magulang ng dalagita ang pumasok sa silid tulugan ng guro at doon nakita ang suspek at kanilang anak.
Sinabi pa ni Senior Inspector Alcido na papunta na sana sa Manila ang guro at ang dalagita subalit bumalik makaraang tinawagan ng kamag-anak ng suspek.
Batay sa pahayag ng biktima, mayroon na umanong namagitan sa kanila ng guro.
Posibleng maharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-child Abuse Law.