--Ads--

CAUAYAN CITY – Inihukay ang namatay na 40 baboy sa Pinoma, Cauayan City na hinihinalang tinamaan ng African Swine Fever (ASF).  

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Manny Tabladillo, may-ari sa mga inihukay na baboy, sinabi niya na napakalaki ng kanyang panghihinayang sa pagkamatay ng kanyang mga alagang baboy dahil malaking halaga na ang kanyang nagastos sa mga ito.

Aniya, napansin niyang nanghihina ang mga alaga niyang baboy at wala nang ganang kumain.

Makalipas lamang ang dalawa hanggang tatlong araw ay sunud-sunod nang namatay ang mga ito.

--Ads--

Ayon kay Tabladillo, anim sa mga namatay niyang baboy ay mga inahin at ang karamihan ay mga fattening na tinatayang nasa 70 hanggang 100 kilo bawat isa.

Naisangguni naman umano nila ito sa City Veterinary Office.

Tinig ni Manny Tabladillo.

Samantala, nangangamba na ang ilang meat vendors maging ang ilang mga residente sa lunsod dahil sa pagkalat na naman ng ASF.

Matatandaang maraming baboy na ang naitalang namatay sa lunsod na nakitaan ng mga sintomas ng ASF bagamat hindi pa kinukumpirma ng City Veterinary Office kung ASF ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mark Denver Balucas, hindi na nila alam ang kanilang gagawin kung lalo pang lalala ang sakit ng baboy lalo na at ang pagtitinda ng karne ng baboy ang kanilang pangunahing pinagkakakitaan.

Aniya, naging matumal na ang kanilang bentahan dahil pinangangambahan na rin ng ilang mga mamimili ang muling pagpasok ng asf sa lunsod ng Cauayan.

Tinig ni Mark Denver Balucas.