Magpapatayo ang gobyerno ng 4,000 bagong silid-aralan upang matugunan ang kakulangan sa classroom sa buong bansa.
Inihayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos saksihan ang lagdaan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at mga local government units sa Malacañang nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa Pangulo, ang MOA ay hakbang upang masiguro na ang bawat estudyanteng Pilipino ay may ligtas at disenteng silid-aralan. Ang 4,000 silid-aralan ay unang yugto lamang ng mas pinalawak na classroom building program ng administrasyon.
Ayon sa datos, nasa 145,000 ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa, kaya’t kailangan agad matugunan ang backlog at naghahanap din ang gobyerno ng alternatibong solusyon.
Sa ilalim ng MOA, ang DepEd ang magtatakda ng pamantayan at maglalaan ng pondo, habang ang mga LGU ang mangangasiwa sa konstruksiyon ng mga bagong silid-aralan.











