--Ads--

Umabot sa apat na libong indibidwal ang inilikas sa bayan ng Sta. Ana Cagayan dahil sa mga pagbahang dulot ng bagyong Ofel.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Information Officer Sheryl Diane Marie Tabag ng MDRRMO Santa Ana, Cagayan sinabi niya na mula kagabi ay nasa 3,895 na indibidwal na ang kanilang nailikas at maaring nadagdagan pa ito dahil ipinagpatuloy ang rescue operation ng ilang oras bago itinigil ng mga responders dahil sa madilim na ang paligid.

Aniya bukas pa rin naman ang linya ng kanilang komunikasyon at nakakatanggap pa rin sila ng tawag sa mga residente na nais nang lumikas.

Muling in-activate ng LGU Santa Ana ang Incident Command Post (ICP) bago pa man manalasa ang bagyong Ofel.

--Ads--

Ang ICP ay nagsisilbing pangunahing hub para sa mga OFW na may kamag anak sa munisipalidad na nais kamustahin ang kanilang mga mahal sa buhay at sa lokal na pamahalaan para sa agarang pag-responde.

Tiniyak ng MDRRMO na patuloy silang nakaalerto hanggang may nararanasan pa ring pagbaha na epekto ng bagyong Ofel at laging nakaantabay ang kanilang responders sa sinumang mangangailangan ng tulong sa paglikas.