Nasa halos limang libong pamilya pa ang patuloy na nananatili sa 27 evacuation center sa Lungsod ng Ilagan dahil sa nararanasang pagbaha na dulot ng Bagyong Uwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng LGU City of Ilagan, sinabi niya na bagama’t bumababa na ang lebel ng tubig-baha, hindi pa rin makabalik ang mga lumikas na residente sa kanilang mga bahay dahil kinakailangan pa ng paglilinis sa putik at mga debris.
Nagpapatuloy naman, ang clearing operations sa mga lugar na binaha, at nakipag-ugnayan na rin ang LGU sa City of Ilagan Medical Center at sa City Health Office upang matiyak ang kalusugan ng mga residenteng nananatili sa mga evacuation center.
Minabuti rin ng pamahalaang lungsod na isuspinde muna ang pasok sa mga paaralan mula preschool hanggang kolehiyo upang bigyang-daan ang clearing at restoration operations sa mga pinsalang idinulot ng bagyo, partikular sa pagbaha.
Aniya, maraming kabahayan ang pinasok ng putik dahil sa pagbaha, kaya’t kailangan munang malinis ang mga ito bago tuluyang makabalik ang mga residente.
Patuloy din ang Isabela Electric Cooperative o ISELCO II sa power restoration sa mga nasirang linya ng kuryente.
Maging ang Ilagan Water District ay puspusan din sa pagsasaayos ng mga sirang at naputol na tubo upang maibalik na ang suplay ng tubig sa mga residente.
Humingi naman siya ng paumanhin sa mga residenteng hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente at tubig. Tiniyak naman niya ang tuluy-tuloy na operasyon ng lokal na pamahalaan upang tuluyang maayos ang sitwasyon at makabangon na muli ang mga Ilagueño mula sa pinsalang idinulot ng Bagyong Uwan.











