--Ads--

CAUAYAN CITY – Apatnaput isang tao ang nadakip ng mga kasapi ng Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat ( NBI-Isabela ) matapos salakayin ang isang bolahan ng jueteng sa Bliss Village, Ilagan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nanindigan si Agent-in-charge Timoteo Rejano ng NBI-Isabela na isang bolahan ng jueteng at hindi outlet ng small town lottery ang kanilang sinalakay sa pagsisilbi ng isang search warrant na inilabas ng hukuman.

Dito nasamsam ang ibat ibang jueteng paraphernalia, at mga pera na hindi pa batid ang halaga.

NAdakip din ang mahigit apatnapung tao na kasalukuyang nakakulong sa Isabela Provincial Jail matapos mabigong makapagpiyansa.

--Ads--

Ayon kay Agent-in-charge Rejano, ang pagsalakay sa pasugalan ay alinsunod sa kautusan ng DOJ at NBI Central Office dahil may ilang ulat na na may operasyon ng illegal na jueteng sa nasabing lugar.

Binigyan-diin pa ni Agent-in-charge Rejano na kanilang susuyurin ang iba pang mga pasugalan dito sa Isabela.