Pormal ng tinanggal ng Commission on Election o Comelec En Banc sa listahan at rehistro ang nasa 42 party-list groups para sa darating na 2025 midterm elections.
Batay sa inilabas na Memorandum No. 241119, natanggal ang 11 party-list group dahil sa hindi paglahok ng mga ito sa nakaraang dalawang halalan.
Kabilang sa mga party-list na ito ay ang 1-ABAA o 1-Ako Babaeng Astig Aasenso; Abyan Ilonggo; AKIN o Akbay Kalusugan Inc.; ALON o Adhikaing Alay Ng Marino Sa Sambayanary Inc.; AMANA o Aksyon Ng Mamamayang Nagkakaisa; ANG PDR o Ang Partido Demokratiko Rural; CLASE o Central Luzon Alliance for Socialized Education; KGB o Katipunan ng mga Guardians Brotherhood, Inc.; MELCHORA o Movement of Women For Change And Reform; NACTODAP o National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines; at PDDS o Pederalalismo ng Dugong Dakilang Samahan.
Samantala, ang natitirang 31 groups naman ay kabilang sa mga grupo na bigong makakuha ng nasa dalawang porsiyento ng boto sa party-list system at hindi nakakuha ng upuan sa second round ng seat allocation sa dalawang nakalipas na halalan.
Sa ngayon nasa 160 party-list organizations nalang ang maglalaban laban para sa darating na eleksiyon kung saan 42 sa mga ito ay mga bagong grupo.