Makikiisa sa Bambanti Festival 2025 ang 42 na resident at Foreign Ambassadors mula sa iba’t ibang mga bansa.
Ito ay kinabibilangan ng 26 Ambasaddors mula sa Romania, Nigeria, Bangladesh, New Zealand, Germany, Belgium, Ireland, Czech Republic, Poland, Brazil, Japan, Singapore, Vietnam, Hungary, Russia, Argentina, Switzerland, Thailand, Malaysia, Cambodia, Austria, Oman, Timor Leste, Indonesia at Greece maging ang ilang mga Department of Foreign Affairs o DFA Officials.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Spokesperson Exiquel Quilang, sinabi niya na inaasahang darating ang mga ito sa lalawigan sa Biyernes, ika-24 ng Enero.
Tutunghayan ng mga nabanggit na Ambassador ang iba’t ibang mga aktibidad na nagpapakita sa mga kultura at ipinagmamalaking mga produkto ng Isabela gaya na lamang ng pagbisita sa mga Agri-tourism boots at pagtikim sa mga tradisyunal na pagkain sa lalawigan sa pamamagitan ng Makan ken Mainum.
Maliban sa pakikiisa sa mga aktibidad sa Bambanti ay magkakaroon din ng Business Forum kasama ang mga Ambassadors at opisyal ng lalawigan kung ilalatag dito ang Tourism plan ng Isabela upang maipakita sa kanila ang ganda ng lalawigan na maaaring makahikayat ng mga investors.
Ito aniya ang pinakamalaking delegasyon ng mga Foreign Ambassador sa buong bansa na bibisita sa isang lalawigan upang makiisa sa isang pagtitipon.
Dahil dito ay tiniyak nila na mas magiging kapanapanabik ang mga aktibidad na nakalatag ngayong Bambanti 2025.
Kahapon ay opisyal na sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang Misa sa St. Michael Cathedral na sinundan ng Fun Run ng hapon at Isabela’s Got Talent kagabi.
Bukas, Enero 20 ay bubuksan ang Agri-Tourism Boots and Giant bambanti, gaganapin din ang exhibit ng King and Queen costume and Exhibit, Car Meet, Music Festival.
Sa Enero 22 naman ang Queen Isabela Grand Coronation Night habang sa ika-25 naman ang Isabela Bambanti Grand Concert.