--Ads--

Patay ang hindi bababa sa anim na pasahero habang 46 pa ang isinugod sa ospital matapos maaksidente ang isang bus sa highway sa timog-silangang bahagi ng Brazil.

Sa isang pahayag, sinabi ng Sao Paulo state fire department na naganap ang aksidente madaling-araw ng Lunes sa BR-153 highway malapit sa lungsod ng Marilia. Hindi pa agad natukoy ang kalagayan ng mga sugatan.

Sa ulat ng Federal Highway Police ng Brazil, lulan ng bus ang mga manggagawang bukid mula sa hilagang-silangang estado ng Maranhao patungong Santa Catarina upang mag-ani ng mansanas.

Batay sa ulat, sumabog umano ang kaliwang likurang gulong ng sasakyan dahilan upang mawalan ng kontrol ang drayber. Dahil dito, nadulas ang bus palabas ng kalsada at tuluyang tumaob.

--Ads--

Karaniwan na ang mga aksidente sa kalsada sa Brazil. Noong unang bahagi ng Pebrero, hindi bababa sa 16 katao ang nasawi matapos ring tumaob ang isang bus sa estado ng Alagoas. Noong Oktubre naman, 17 ang namatay sa kaparehong insidente sa estado ng Pernambuco.

Ayon sa Ministry of Transport ng Brazil, mahigit 10,000 katao ang nasawi sa mga aksidente sa trapiko sa bansa noong 2024.