CAUAYAN CITY – Patay ang isang ginang matapos na pagtatagain ng kanyang mister sa Sitio Awitan, Biruk, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si Lucia Cadpino, 49 anyos habang ang suspek ay si Abance Cadpino, 49 anyos, magsasaka at kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), batay sa pagsisiyasat ng Dupax Del Sur Police Station, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa dahil umano sa selos na humantong sa pagpatay ng mister sa kanyang asawa.
Gamit ang itak ay pinagtataga ng suspek ang kanyang misis sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan hanggang sa tuluyang bawian ng buhay.
Nakuha sa lugar ang ginamit na itak kasabay ng pagkadakip ni Cadpino.
Sa ngayon ay nasa Dupax Del Sur Police Station na ang suspek na nahaharap sa kasong parricide.





