--Ads--

49 na kabataang may pangarap sa agrikultura ang kinilala sa Young Farmers Challenge (YFC) Provincial at Regional Awarding Ceremony kahapon, Nobyembre 21, 2025, sa Robinsons Place Tuguegarao, Cagayan. Layunin ng programa ng Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA‑RFO 02) na hikayatin ang kabataan na maging agripreneur at lumikha ng mga negosyo sa sektor ng agrikultura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maria Rosario Paccarangan, Chief ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), ang mga awardees ay mga kinatawan sa hinaharap ng agrikultura sa Pilipinas dahil sa kanilang pagkamalikhain at determinasyon sa pagpapaunlad ng agribusiness.

Aniya ang agrikultura ay hindi lamang industriya kundi isang “lifeline” na bumubuo sa bawat komunidad at tahanan sa Cagayan Valley.

Sa kategoryang Startup (Provincial level), 38 awardees ang tumanggap ng tig-₱80,000 bawat isa, habang sa Startup (Regional level), 7 awardees naman ang ginawaran ng tig-₱150,000. Sa Intercollegiate Category, isang kabataang agripreneur ang nakatanggap ng ₱250,000, at sa Upscale Category, tatlong dating YFC startup awardees ang binigyan ng tig-₱300,000 bawat isa. Sa kabuuan, mahigit ₱4.8 milyon ang naibigay sa mga kabataang agripreneur upang palakasin ang kanilang mga negosyo at itaguyod ang modernong agrikultura sa rehiyon.

--Ads--

Kasama rin sa seremonya ang pamilya ng mga awardees at mga katuwang ng DA mula sa iba’t ibang ahensya gaya ng MAO, PLGU, DOST, DTI, PCCI, at DICT, na patuloy na nagbibigay ng suporta at oportunidad para sa mga kabataang agripreneur.

Ang Young Farmers Challenge ay bahagi ng programa ng DA na nagpo-promote ng innovation at entrepreneurship sa agrikultura sa pamamagitan ng mentorship, financial grants, at iba pang tulong sa pag-develop ng negosyo. Simula noong 2021, mahigit 4,300 youth-led agribusiness ventures na ang natulungan ng YFC upang maging matagumpay sa kanilang larangan.