Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang tax provisions ng panukalang batas na magpapalawig sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang mahikayat ang mga kwalipikadong kabataan na magpatuloy sa kolehiyo o kumuha ng technical-vocational course, kahit sa pribadong paaralan.
Ayon kay Marikina City Rep. Miro Quimbo, chairperson ng komite, bahagi ang panukala ng hakbang ng gobyerno para palakasin ang social protection, palawakin ang economic cooperation, at patatagin ang mga komunidad. Binanggit niya na sa pamamagitan ng pamumuhunan sa edukasyon, kalusugan, at community-based economic institutions, napapalakas ang kakayahan ng mga Pilipino na makapag-ambag sa pambansang kaunlaran.
Sa ilalim ng panukala, magtatayo ng mekanismo upang masuportahan ang mga miyembro ng 4Ps household na nagnanais kumuha ng post-secondary education. Nilinaw ni Quimbo na ang layunin ng diskusyon ay tiyakin na ang fiscal policies ng bansa ay sumusuporta sa mga programang magpapabuti sa buhay, magpapalawak ng oportunidad, at makapagbuo ng handa sa hinaharap na henerasyon.
Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, na nagsusulong ng panukala, ang amyenda sa 4Ps law ay naglalayong palakasin ang social protection sa mga pamilyang may mababang kita sa pamamagitan ng pagtulong sa pagbabayad ng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan.











