--Ads--

CAUAYAN CITY – Inireklamo ng isang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) member ang kanilang Parent Leader o PL dahil sa pagsingil nito ng pera sa kanilang mga myembro sa tuwing release o payout ng kanilang ayuda sa Brgy Bagong Sikat.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa miyembro ng 4Ps sinabi niya na sinisingil umano ng nasabing PL ang mga 4Ps member sa kanilang Brgy. ng tig isandaang piso sa tuwing sila ay maglalabas ng pera na tulong ng pamahalaan.

Iginiit ng PL na ito ay kabayaran sa kanyang pagdalo sa mga meeting at pagkuha ng mga module ng Family Development Sessions (FDS) mula sa tanggapan ng 4Ps sa nasabing bayan.

Ayon sa nagrereklamong 4Ps member, malaki ang nasabing halaga na hinihingi ng kanilang PL dahil nasa 27 ang kanilang miyembro sa Barangay Bagong Sikat.

--Ads--

Kung susumahin ay aabot sa P2,700 ang kabuuang nasisingil sa mga miyembro kada payout maliban pa sa hinihinging pamasahe sa pagtungo sa tanggapan ng 4Ps.

Ang bahagi ng pahayag ng nagrereklamong 4Ps member ng Brgy. Bagong Sikat Naguilian Isabela.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan sa inirereklamong parent leader, sinabi niya na napag usapan naman ng mga kasapi ang kanyang paniningil ng nabanggit na halaga.

Aniya sumang-ayon ang mga miyembro na sila ay magbibigay ng bayad sa kanyang pagdalo sa mga pagpupulong ng 4Ps at maging ang pagkuha niya sa kanilang module para sa FDS.

Aniya kada pagdalo niya sa meeting ay nagbibigay ang mga m-yembro ng tig-15 pesos na kontribusyon at nasa pitong beses siyang dumadalo kada buwan.

Malayo ang kanilang barangay sa poblacion kaya medyo mahirap ang pagtungo sa tanggapan ng 4Ps at kailangan niya ng pamasahe maging ang perang para sa photocopy ng 4 pages na modules.

Aabot sa isandaan ang kanyang nagagastos sa tuwing siya ay nagtutungo sa bayan kaya aabot sa 700 pesos ang nagagastos niya sa pitong beses niyang pagtungo kada isang buwan.

Ang natitira umanong 2,000 pesos ay kabayaran na ng kanyang pagod na pagdalo sa pagpupulong at para sa photocopy ng mga module ng kanilang 4Ps members sa barangay Bagong Sikat.

Giit ng PL na pare-pareho naman ang kanyang sinisingil at mas malaki pa ang kinukuha ng ibang barangay.

Ang bahagi ng pahayag ng inrereklamong parent leader ng 4Ps sa Bagong Sikat, Naguilian, Isabela.

Samantala sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay 4Ps Regional Information Officer Jeannette Lozano, sinabi niya na wala silang sinisingil sa mga myembro sa paggawa ng mga module dahil ibinibigay ito ng libre.

Aniya sa pagdalo naman ng mga parent leader at pagkuha ng mga module ay nakadepende na sa napag usapan ng mga myembro at PL.

Ayon kay Information Officer Lozano, dapat idulog sa kanilang tanggapan o sa MSWDO ang mga nasabing reklamo upang maimbestigahan at mabigyan ng solusyon.

Ang pahayag ni 4Ps Regional Information Officer Jeannette Lozano.