CAUAYAN CITY – Nagdulot ng panic sa mga mamamayan lalo na sa mga empleado ng munisipyo sa coastal town ng Maconacon, Isabela ang 5.8 magnitude na lindol na naganap kaninang 8:49am.
Ito ay sinundan ng aftershock na 2.8 magnitude dakong 9:05am at 2.5 magnitide bandang 9:07am.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Butch Bartolome, sinabi niya na mas malakas ang naranasang lindol kaninang umaga kumpara noong nakaraang linggo.
Agad na lumabas ang mga tao sa loob ng munisipyo ng Maconacon nang maramdaman nila ang lindol.
Wala namang pinsalang dulot nito sa gusali ng munisipyo batay sa isinagawa nilang inspection.
Agad din silang nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng mga malalayong barangay ng Maconacon at napag-alaman nila nataranta ang mga tao ngunit walang dulot na pinsala ang lindol.