CAUAYAN CITY – Nilinaw ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) Isabela na walang kaugnayan sa kanilang trabaho ang pagkawa sa Coronavirus Disease (COVID-19) ng dalawang distrit supervisor at 3 guro na nasawi.
Ang paglilinaw ay kaugnay ng kumalat na maling impormasyon na nahawa umano ang mga biktima sa pagdalo nilang sa oath taking ceremony.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent (SDS) Madelyn Macalling ng Deped Isabela, sinabi niya na walang naganap na oath taking ceremony dahil kinansela ito ng kagawaran.
Unang nasawi ang district supervisor ng Cabatuan East District noong March 26, 2021 na may comorbidity at napag-alaman na dumalo sa isang birthday party kung saan siya nahawa sa virus.
Sumunod na nasawi ang district supervisor ng Angadanan East at residente ng San Mateo, Isabela.
Siya ay nahawa umano sa kanyang kapitbahay at na-admit siya sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City kung saan siya nasawi noong April 5, 2021.
Ang tatlong guro kabilang ang isang taga-Jones Isabela na nahawa sa isang pasahero sa kanyang pagbiyahe sakay ng isang Public Utility Vehicle (PUV) ay wala ring mga dinaluhang pagtitipon o oath taking ceremony ng DepEd.
Sa kasalukuyan ay naka-isolate na ang mga nacontact trace na nakasalamuha ng mga nasawi at wala namang nakitaan ng sintomas ng virus.
Ayon kay Dr. Macalling, hindi attributed sa trabaho o pamamahagi ng modules ang pagkahawa sa virus at pagkasawi ng mga pasyente.
Nagpatupad na ng work from home scheme ang DepEd Isabela sa mga guro at school heads na nasa mga high risk areas.





