CAUAYAN CITY – Pinaigting ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang pagmonitor sa presyo ng mga school supplies matapos na magpalabas ang ahensiya ng bagong Suggested Retail Price (SRP).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Glen Bert Ramos, Consumer Protection Division Technical Assistant ng DTI Isabela na matapos na magpalabas ang kanilang punong tanggapan ng bagong SRP sa mga school supplies noong August 12, 2022 ay agad silang nagsagawa ng monitoring sa mga supermarket simula kahapon, araw ng Lunes.
Mayroon silang limang establisimiyento na nakitaan na mas mataas sa SRP ang presyo ng mga school supplies.
Padadalhan ang mga ito ng Letter of Inquiry (LOI) para malaman ang dahilan kung bakit mas mataas ng P1.50 ang presyo ng kanilang mga ibinebentang school supplies.
Ayon kay Ginoong Ramos, noong 2019 huling nagkaroon ng SRP sa mga school supplies.
Ang dating ballpen na limang piso bawat isa, ngayon ay walong piso na.
Ang dahilan ng mga establisimiyento ay nagtaas din ng presyo ang kanilang mga supplier bunsod ng mataas na gastusin sa transportasyon.
Para maging pormal aniya ang paliwanag ng mga ito sa pagtaas ng presyo ng mga school supplies ay mag-iisyu sila ng Letter of Inquiry.
Ayon kay Ginoong Ramos, patuloy ang kanilang gagawing monitoring at pupuntahan din nila ang Lunsod ng Cauayan.
Wala pa naman silang natatanggap na reklamo ng mga consumer hinggil sa mga nabiling overpriced na school supplies.