CAUAYAN CITY- Nakapagtala ang City Health Office-Santiago City ng 130 kaso ng dengue ngayong 2017 habang dalawa ang naitalang namatay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, kauna-unahang nagkaroon ng dengue sa lunsod ngayong buwan ng Disyembre ang limang magka kamag-anak sa Brgy. Abra, Santiago City.
Ang mga nagka-sakit ng dengue ay sina Rufina Baniaga, 97 anyos, ang kaniyang 11 anyos na apo; Juanito Baniaga, 55 anyos; Jenevy Baniaga, 41 anyos at Barangay Kagawad Elmer Maliari, 40 anyos pawang residente ng Brgy. Abra, Santiago City.
Unang nakaramdaman ng sintomas ng dengue si Brgy. Kag. Elmer Mallari at pinakahuling natamaan ng dengue si Rufina Baniaga na sumakit ang kanyang kasu-kasuhan at ngayon ay lalo pang humina ang katawan.
Ayon kay Punong Brgy. Paulino Bergonia ng Brgy. Abra na puntirya sana nila ang zero dengue case dahil naglilinis naman umano sila sa kanilang barangay dahil batay sa kanilang talaan zero dengue case ang Brgy. Abra noong 2016.
Nagtataka siya kung bakit ngayong patapos na ang taong 2017 saka pa nagkaroon ng kaso ng dengue sa kanilang barangay.
Sa pagsusuri naman ng City Health Office nakitang malinis naman ang kapaligiran at tahanan ng mga biktima kung kayat isa sa nakikitang dahilan sa pagkakasakit ng dengue ang abandonadong bahay sa kanilang compound.
Nakatakda namang mag-spray ng kontra dengue sa nasabing barangay sa oras na maging maganda na ang panahon.




