--Ads--

CAUAYAN CITY– Limang tao ang nasawi kabilang ang isang sanggol matapos na mabangga ng isang trailer truck ang isang tricycle at isang motorsiklo hapon ng Sabado, August 27, 2002 sa national highway sa Balug, Tumauini, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Jessie Alonzo, deputy chief of police ng Tumauini Police Station, sinabi niya na nasa impluwensiya ng alak ang tsuper ng trailer truck na si Oliver Zamora, 29 anyos at residente ng Caloocan, Alicia, Isabela.

Siya ay positibo sa alcoholic breath test na isinagawa sa kanya matapos ang kalunus-lunos na aksidente.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Tumauini Police Station na umagaw ng linya ang driver ng trailer truck kaya nabangga ang motorsiklo at tricycle.

--Ads--

Nasawi ang tsuper ng motorsiklo na si Kuldip Singh, 38 anyos, binata at residente ng District III, Tumauini, Isabela.

Kabilang din sa mga nasawi ang tsuper ng tricycle na si Arnel Menor, 37 anyos, may-asawa at residente ng Mallig, Isabela.

Nasawi rin ang tatlong pasahero ng tricycle na sina Ernesto Caronan, 71 anyos, may-asawa, residente ng Bliss Village, City of Ilagan; Diane Rose Menor, 6 na buwang sanggol at Diana Rose Menor, 36 anyos, kapwa residente ng Mallig, Isabela.

Ang isa pang pasahero ng tricycle na si Elma Caronan ay nagtamo ng malubhang sugat sa katawan at unang dinala ng Rescue 811 sa Tumauini Community Hospital ngunit inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

Ang tsuper ng trailer truck na si Zamora ay dinala sa Tumauini Police Station at inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Serious Physical Injury and Damage to Property na isasampa laban sa kanya.

Ang pahayag ni PLt Jessie Alonzo