CAUAYAN CITY – Tinatayang nasa limang libong katao ang naghintay upang matunghayan ang pormal na pagbubukas ng 12th SouthEast Asian Youth Athletics Championship sa Ilagan City Sports Complex.
Ganap na alas-sais ngayong gabi nang tuluyang pumasok sa loob ng sports complex ang ibat ibang delegasyon mula sa Southeast Asian Nations.
Sinundan ito ng isang programa kung saan maraming national sports officials ang mga magsasalita kabilang na sina Ilagan City Mayor Evelyn Diaz, at Isabela Governor Bojie Dy.
Nakatakda ring magperform ngayong gabi ang arstistang sina Paolo Avelino at Christine Reyes.
Hindi naman nakadalo si Labor Sec. Silvestre Bello na isa sana sa magbibigay ng talumpati sa mga delegado.
Ito ay dahil nakatakdang siyang makipagpulong bukas kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang kaugnay sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan.
Samantala, ilang oras bago magsimula ang opening ceremony ay muling sinuri ng International Athletic Association Federation ang mga pasilidad sa Ilagan City Sports Complex.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlunsod Antonio Montereal Jr., chairman ng Committee on Information layunin ng grupo na muling suriin ang mga pasilidad upang matiyak na maayos ang paggaganapan ng mga laro.
Nakaalerto rin ang buong hanay ng kapulisan at Philippine Army sa pagbabantay sa loob at paligid ng Ilagan City Sports Complex.