--Ads--

Ilang mag-aaral mula sa Cauayan City ang magkamit ng mga medalya sa ginanap na Mathematical Olympiad.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Albert Perico, Principal ng Cauayan South Central School, sinabi niya na nagkamit ng medalya ang limang math wizards mula sa lungsod ng Cauayan matapos na lumahok sa Guandong-Hongkong-Macao Greater Bay Area Mathematical Olympiad at Thailand International Mathematical Olympiad.

Ang mga little Math Wizards na ito ay sina Terrence Joseph Matt Niño, Zaille Jean Alvarez, John Zoelle Alvarez, Julian Jay Zamudio, at Centennial Blessing Nicolas, pawang mga mag-aaral ng Cauayan South Central School.

Nakapag-uwi sina Terrence Joseph Matt Niño, Zaille Jean Alvarez, at Centennial Blessing Nicolas ng silver medal sa Guandong-Hongkong-Macao Greater Bay Area Mathematical Olympiad habang Silver Medalist naman si Julian Jay Zamudio sa Thailand International Mathematical Olympiad at maging sina Zaille Jean, Centennial Blessing, at John Zoelle Alvarez ay nagkamit rin ng Bronze Medal.

--Ads--

Ang dalawang kompetisyong ito ay binuo ng Math Olympiad Training League at boluntaryo ang pagsali rito at nabigyan ng pagkakataon ang mga Math Wizards ng Cauayan na makalahok.

Ilang stages ang kanilang pinagdaanan bago nakamit ang medalya kaya masayang masaya sila ngayon.

Ayon kay Dr. Perico magandang maipakita sa international scene ang talento ng mga mag-aaral hindi lamang sa Mathematics at Science kundi kahit sa ibang larangan.

Aniya online ang paglahok dito ngunit sa mga final competitions ay onsite na kaya ito ang kanilang pinaghahandaan ngayon dahil hindi pa inaanunsyo kung saang lugar ito gaganapin.

Karamihan naman sa mga lumalahok ay mula sa mga bansa sa Southeast Asia tulad ng Pilipinas, Thailand, Hongkong, Malaysia, Indonesia, India at China.