--Ads--

CAUAYAN CITY – Limang miyembro ng mga samahan na nauugnay sa Communist Party of the Philippines New People’s Army  (CPP-NPA) ang kusang sumuko sa mga pulis sa Sangbay, Nagtipunan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Raul Bunagan, Police Community Affairs Development Officer ng Quirino Police Provincial Office (QPPO), sinabi niya na ang limang sumuko ay miyembro ng  Samahang Propaganda at Militia ng Bayan.

Bunga  ito ng patuloy na operasyon ng mga pulis at sundalo para mapuksa ang insuhensiya sa bansa.

Ayon kay PMaj. Bunagan, ang mga sumuko ay sina Dominador Busania Madayag alyas “Ka Dor-as”, 58 anyos, Secretary/Chairman/Organizer ng Timpuyog Dagiti Mannalun Iti Quirino o TIMIQ; Clarita Annaguey Magda alyas “Ka Sampaguita”, 72 anyos, magsasaka, organizer ng TIMIQ, at miyembro rin ng Samahang Propaganda; Dinlove Rose Adchao Padohinog, 32 anyos, magsasaka, recruiter/revolutionary collector; Erlinda Badol Cumpalas, 68 anyos, magsasaka,  miyembro ng TIMIQ at Florenda Relosor Aryate, alyas “Ka Nida”, 66 anyos, magsasaka, miyembro ng TIMIQ at pawang residente ng Sangbay, Nagtipunan, Quirino.

--Ads--

Isinuko nila  ang isang garand rifle, 19 na bala, isang Caliber .38 na may tatlong bala, tatlong rifle grenades, isang fragmentation grenade at isang bala ng M14 rifle.

Ayon kay PMaj. Bunagan, pinakamatagal sa grupo si Dominador Busania Madayag.

Sumuko  sila dahil hindi natupad ng naturang organisasyon ang kanilang mga pangako.

Dahil dito, umaasa sila na marami pa sa kanilang mga kasama ang susuko dahil malaki  ang epekto nito sa kanilang grupo.

Dinala sila sa 2nd Quirino Provincial Mobile Force Company para sa kaukulang disposisyon.

Ang pahayag ni PMaj Raul Bunagan.