--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadakip ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB2) ng Philippine National Police (PNP)  ang limang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang isa ang nasugatan matapos na makasagupa ang 13 na rebelde sa  Niug Norte, Sto Ninio, Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt.Col. Virgilio  Abellera Jr., commander ng RMFB2  na habang nagpapatrolya ang tropa ng 202nd Manuever Company noong August 31, 2023 ay nakasagupa nila ang nasa 13 hanggang 14 na  miyembro ng NPA na tumagal ng 10 minuto.

Una rito ay mismong ang mga residente sa naturang lugar ang nagbigay ng impormasyon sa kanila na may mga gumagalang armadong grupo sa kanilang lugar.

Ang nasugatan ay si Edwin Callueng alyas Happy  at ang ibang nahuli ay sina Aiza Antonio alyas Mira, Ramil Andam, Alvin Andam, at Jayson Melad.

--Ads--

Nakakuha rin ang operatiba ng Caliber  45 Pistol na may dalawang magazine at bala, dalawang cellphones at isang bolo.

Napag-alaman na si Callueng na tubong Lipatan, Sto. Niño, Cagayan ay kasapi ng Execom/West Front na Remnant ng Kimprob Cagayan, KR-CV.

Siya ay may limang nakabinbin na warrant of arrest sa mga kasong attempted murder, Illegal possesion, manufacture, acquisition of firearms, ammunition or xxplosives, at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.

Si Antonio naman na tubong Peru, Lasam, Cagayan ay naninilbihang Medical Officer sa kanilang hanay at siya ay limang buwang buntis.

Ang kanilang grupo ay nakatalaga upang magreceuit sa bahagi ng Cagayan partikular na sa Solana, Piat, Amulung West, Lasam at sa liblib na lugar ng Sto. Niño.

Ang tatlong iba pa ay inaalam pa kung miyembro talaga sila ng CTG dahil nasa lugar sila nang mangyari ang sagupaan.

Samantala, wala namang naiulat na sugatan o namatay sa panig ng RMFB2.

Nanawagan si PLt.Col Abellera sa mga CTG member na sumuko na dahil bukas ang pamahalaan para sila ay tanggapin sa kanilang pagbabalik loob.