--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Santiago City ang limang lalaki  na kinabibilangan ng ilang menor de edad dahil sa pagbebenta ng iligal na droga.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office (SCPO) Station 2, unang nadakip sa Plaridel, Santiago City sina Christian Piguero, 18 anyos, binata, construction worker, Dan Erickson Santos, 20 anyos, helper at isang 15 anyos na binatilyo, construction worker at pawang residente ng Calaocan, Santiago City.

Sa pagtutulungan ng City Intelligence Operatives ng SCPO, Station Drug Enforcement Unit ng Presinto Dos at PDEA region 2 ay isinagawa ang operasyon laban sa tatlo.

Nakipag-transaksyon ang mga suspek sa isang pulis na nagpanggap na poseur/buyer bitbit ang isang pack ng natuping papel na naglalaman ng hinihinalang dahon ng Marijuana katumbas ng P1,500.

--Ads--

Kabilang sa Street Level Individual (SLI) ang mga suspek.

Dahil sa rebelasyon ng tatlo ay nadakip ng SCPO Station 1 sa Rosario, Santiago City si Joshua Gallenito, 19 anyos at residente rin sa nabanggit na lugar.

Bitbit ang isang narolyong papel na naglalaman ng hinihinalang dahon ng Marijuana ay nakipagkita ang suspek sa pulis na nagsilbing poseur/buyer katumbas ng P1,500.

Batay sa record ng mga awtoridad, dati nang nasangkot sa katulad na kaso ang suspek noong Marso 2019 at naipasakamay sa kustodiya ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) dahil sa pagiging menor de edad subalit tumakas sa  Balay Namnama noong 2020.

Samantala, sa Centro East, Santiago City ay nadakip si Ronald Garcia, 24 anyos, caretaker at residente ng Batal, Santiago City.

Ayon sa report ng Station 1, dalawang sachet ng hinihinalang shabu  ang nabili mula sa suspek na may katumbas na P2,000.

Naitala naman bilang first time offender ang suspek na kabilang sa illegal drug database bilang SLI.

Inamin ng ilang nadakip ang pagkakasangkot sa iligal na gawain.

Sila ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang ipapasakamay sa CSWDO ang mga menor de edad.