
CAUAYAN CITY – Wala nang maituturing na Person Under Investigation (PUI) sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) matapos na makalabas ang limang natitira mula sa 18 na PUI dahil sa Coronavirus 2019 (COVID-19)
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Matthew Baggao, chief ng CVMC na negatibo sa laboratory test ang lima kaya pinauwi na sila.
Unang pinauwi ang 13 na PUI na ang iba ay nagkaroon ng sipon, ubo at lagnat matapos manggaling sa Hong Kong at Macau habang iba ay may history ng pagdalaw sa nasabing mga teritoryo ng China.
Umaasa si Dr. Baggao na wala na silang tatanggaping PUI ngunit sakaling magkaroonpa ay patuloy na handa ang CVMC.
Pinayuhan ni Dr Baggao ang mga OFW na galing sa mga may kaso ng COVID 19 na sumailalim sa 14 na araw quarantine at agad na magtungo sa doktor kapag may sintomas ng nasabing sakit.










