CAUAYAN CITY- Malaking tulong ang impormasyon na ibinigay ng mga sibilyan para maaresto ang isang opisyal ng NPA at apat na kasama sa isinagawang operasyon ng mga pulis at sundalo sa San Antonio, llagan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Capt. Jefferson Somera, hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th ID na ang nadakip na si Mauricio Sagun, alyas Ka Johnny at Ka Raul ay na sinasabing Head ng Training, Demolition at Explosives Team ng NPA dahil marunong siyang gumawa ng IED at landmine.
Siya rin ang nagsasanay sa mga bagong recruit na Sparrow dahil kabilang siya sa Liquidation squad ng kilusan na pumapatay sa mga walang kalaban-laban na sibilyan at opisyal ng pamahalaan.
Kasama niyang naaresto sina Mario Turqueza, 65 anyos, magsasaka at residente ng Minanga, San Mariano, Isabela, chief blasterman at bomb expert ng NPA; Maximiano Domingo, 41 anyos, magsasaka, residente Sito Kaunayan, Barangay Old San Mariano, San Mariano, Isabela; Ariel Peñaflor, 48 anyos magsasaka, tubong Daet, Camarines Norte ngunit nakatira na sa Minanga, San Mariano, Isabela; at Bernard Peñaflor, 21 anyos, magsasaka, residente ng Minanga, San Mariano Isabela.
Nakumpiska sa bahay ni Ka Johnny ang tatlong hand grenade, 1 Pietro Beretta caliber 9mm na may 15 bala at pag-aari ng PNP, isang caliber 38 na may 5 bala, 2 blasting caps, isang rolyo ng detonating cord, isang suspected C4 at dalawang backpack.
Sinabi ni Capt Somera na patunay ito na seryoso ang pulisya at militar sa paglipol sa mga pinuno at tauhan ng CPP-NPA.




