--Ads--

CAUAYAN CITY – Limang pulis na nakatalaga sa Isabela ang dinis-armahan ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) makaraang i-takeover ng mga rebelde ang environmental checkpoint na itinatag ng DENR-LGU Ilagan City sa Sitio Laguis, Sindon Bayabo,Ilagan City.

Ito ang kinumpirma ni Police Col. Mariano Rodriguez, provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan.

Nakilala ang mga pulis na na-disarmahan ng mga rebelde na sina P/Master Sgt. Julius Baribad at P/Corporal Bryan Balisi na kapwa kasapi ng Divilacan Police Station; P/Corporal Gaudencio Castillo Jr. at P/Corporal Earl Bryan Gannaban na kapwa nakatalaga sa Cauayan City Police Station at P/Staff Sgt. Fernando Capellan na kasapi ng Cordon Police Station.

Naharang ang mga pulis na sina Castillo,Gannaban at Capellan na sakay ng pick up patungong Divilacan,Isabela nang marating ang DENR-LGU Ilagan City Checkpoint na na-take over ng armadong 25 rebeldeng NPA.

--Ads--

Ang mga rebelde na pinamumunuan umano nina Ka uno at Ka Damian ay kinuha ang mga service firearms ng tatlong pulis maging ng kanilang pera, handheld radios at mga mahahalagang gamit.

Samantala, sina P/Master Sgt. Baribad at P/Corporal Balisi ay magtutungo naman sana sa kanilang panlalawigang tanggapan upang magpasa ng kanilang report ngunit naharang din sila ng mga rebelde sa nasabing checkpoint at nakuha rin ang kanilang service firearms.

Inihayag pa ni Provincial Director Rodriguez na hindi pa nila alam kung ano ang pakay ng tatlong pulis na sina Castillo,Gannaban at Capellan sa pagtungo sa nasabing lugar.
Habang ang 2 pulis ng PNP Divilacan ay nauna nang inihayag ng kanilang hepe na inutusan niyang magdala ng kanilang report sa IPPO.

Provincial Director P/Col. Mariano Rodriguez of IPPO

Sa ngayon anya ang limang pulis ay sumasailalim sa masusing pagsisiyasat ng Police Regional Office 2.

Samantala, isa namang concerned citizen ang nag-ulat sa Ilagan City Police Station sa natagpuang bangkay ni Celso Asuncion, kasapi ng Isabela Environmental Protection Task Force at ito ay natagpuan mismo sa kanilang tanggapan makaraang i-take over ng mga rebelde.