CAUAYAN CITY – Dinakip ang limang tao na naaktuhang nagsusugal sa Purok 6, Mabini, Santiago City.
Ang mga nadakip ay kinabibilangan ng dalawang lalake at tatlong babae, pawang walang trabaho at residente ng nabanggit na barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Rommel Cansejo, OIC Chief of Police ng Station 1, sinabi niya na isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa talamak na pagsusugal sa nasabing lugar.
Agad na tumugon ang mga kasapi ng Intelligence Branch ng Santiago City Police Office (SCPO) at Presinto 1.
Nahuli sa aktong nagsusugal ang mga pinaghihinalaan sa isang bakanteng lote.
Nakumpiska sa kanila ang dalawang set ng baraha at taya na nagkakahalaga ng 308 pesos.
Sa imbestigasyon ng mga pulis ay nabatid nila na isang araw matapos matanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration ay naganap ang pagsusugal ng mga suspek.
Nagsisisi umano ang mga dinakip lalo na ang isa sa kanila na ilang buwan pa lamang matapos manganak.
Sasampahan ang lima ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti Illegal Gambling Law.












