CAUAYAN CITY- Limang tao ang nasugatan kabilang ang isang buntis sa karambola ng tatlong sasakyan sa pambansang lansangan sa Brgy. Sillawit, Cauayan City.
Ang aksidente ay kinasangkutan ng isang tricycle na minaneho ni Cherry Alingog, 40 anyos, dalaga at residente ng District 1, Cauayan City; isang isuzu giga tractor head na minaneho ni Jeffrey Panayo, 31 anyos at residente ng Sta. Rosa, Laguna; at isang motorsiklo na minaneho ni Fernando Bagalay, 28 anyos, residente ng Naganacan, Cauayan City.
Sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, ang isuzu giga tractor head ay patungo sa timog na direksyon ng unahan ang motorsiklo na minamaneho ni Bagalay.
Sa proseso ng pag-overtake ay napansin niya ang kasalubong na tricycle na minamaneho ni Alingog kaya’t binawi niya ang manibela at nahagip ang motorsiklo.
Nabangga rin ni Panayo ang kasalubong na tricycle matapos mawalan ng kontrol sa manibela.
Bumaliktad ang motorsiklo at tricycle na nagresulta ng pagkakasugat ng dalawang tsuper maging ang kanilang pasahero na sina July Calderon, 23 anyos, residente ng San Isidro, Isabela kasama ang kanyang live-in partner na apat na buwang buntis na si Jennilyn Dupang, 20 anyos at Erwin Bagalay, 26 anyos na kapwa residente ng Sillawit, Cauayan City.
Agad namang dinala sa magkakahiwalay na pagamutan ang limang biktima.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng pulisya ang tsuper ng head tractor na si Panayo para sa kaukulang disposisyon.




