CAUAYAN CITY – Naaresto sa isinagawang entrapment operation ng mga otoridad sa Alicia, Isabela ang limang tao matapos mabili sa kanila ang mahigit isandaang sako ng hinihinalaang pekeng abono.
Lulan ng Isuzu van truck ang mga suspek at may kargang 120 na sako ng hinihinalaang pekeng triple 14 na fertilizer at 20 ng hinihinalaang pekeng 16-20 ng parehong brand ng fertilizer.
Nabili sa kanila ang mga hinihinalaang pekeng abono sa halagang 294,000 pesos noong gabi ng August 8, 2022 sa daan na bahagi ng Alicia-San Mateo Road sa barangay Callao, Alicia, Isabela.
Ang mga suspek ay sina Ceejay Tabing, Vincent Dela Cruz, Dominador Lelagan, Rosendo Bumagat na pawang residente ng Babanuang, San Manuel Isabela, at Ulysses Madarang na residente naman ng Sandiat, San Manuel Isabela.
Napag-alaman na pag-aari umano ng isang Judy Lilagan na residente rin ng barangay Babanuang ang mga nakuha sa mga suspek.
Pinangunahan ang operasyon ng mga operatiba ng Santiago City Field Unit-CIDG Regional Field Unit 2 kasama ang mga kawani ng RSOT, Isabela Provincial Field Unit, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), NISU12, mga kawani ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) region 2, NS Continental Distribution Incorporated at Alicia Police Station.
Ayon sa mga otoridad, nagsisimula pa lamang ang grupo sa ganitong malakihang operasyon.
Mahaharap sa patung-patong na kaso ang mga nahuli tulad ng paglabag sa Republic Act 7394, paglabag sa Republic Act 8293 at paglabag sa Presidential Decree No. 1144.
Sa ngayon ay nasa pangagalaga ng CIDG Santiago City ang mga nahuling suspek para sa patuloy na imbestigasyon.
Nagbabala ang mga otoridad sa mga magsasaka na gumagamit ng abono na tiyaking lehitimo ang kanilang binibili upang hindi mapinsala ang kanilang mga pananim.