--Ads--

5 tao Patay, 5 nasugatan sa magkakasunod na insidente ng pamamaril na naitala sa loob lamang ng isang araw sa Isabela

CAUAYAN CITY– Ginulantang ang limang himpilan ng pulisya ng Isabela dahil sa naitalang insidente ng pamamaril sa kanilang mga nasasakupan ngayong araw ng Biyernes, June 9, 2017.

Sa Ramon, Isabela patay ng biktimang si Alex Magtanong , 47 anyos, may-asawa, tsuper ng pampasaherong van at residente ng Bugallion Norte, Ramon, Isabela makaraang barilin ng di pa nakikilang suspek.

Napatay din sa naganap na pamamaril sa National Highway Centro Uno, Mallig, Isabela ang biktima na si Romeo Pascual, 46 anyos na residente ng nasabing lugar.

--Ads--

Maraming beses na binaril ang biktima ng suspek na sakay ng itim na Fortuner.

Isunugod sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Binaril naman ang dalawang drug personality na sina Florentino Mercado Jr. at Evelyn Tumanan na kapwa residente ng Bantug, Roxas, Isabela.

Namatay si Tumanan dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa katawan habang ginagamot sa isang ospital sa Lunsod ng Ilagan si Mercado.

Ang dalawang biktima ay pinagbabaril ng dalawang sakay ng itim na motorsiklo na walang plaka.

Patay din si Roque Uy, manggagawa at residente ng Dallig, Burgos, Isabela makaraang pagbabarilin ng riding in tandem criminals sa Catabban, Burgos, Isabela.

Samantala, patuloy namang tinutugis ng mga kasapi ng Alicia Police Station si retired Master Sergeant Jesus Abat, 54 anyos na walang habas na namaril sa pamilya ng kanyang kapatid na babae sa Barangay Linglingay, Alicia, Isabela.

Ginagalugad na ng kapulisan ang posibleng mga lugar na maaaring pagtaguan ng suspek.

Namatay sa walang habas na pamamaril ng suspek ang anak ng kapatid na si Arvin Tayan, 24 anyos dahil sa tinamong apat na tama ng bala ng baril

Nag-ugat ang pamamaril ni Abat makaraang makipagtalo sa kanyang kapatid na si Gng. Brigida Tayan dahil umano sa pagsusumbong ng ginang sa kanyang misis na nasa Mindanao na siya ay palaging nasa videoke at may ibang babae.

Uminit ang ulo ni Abat at bumunot ng Cal. 45 baril kaya agad na tumakbo ang si Tayan at nagtago sa isang tindahan.

Nakita ni Abat ang kanyang bayaw na si Arthur Tayan na asawa ni Brigida na binaril at tinamaan ng bala sa kanyang kanang paa ngunit nakatakbo.

Sunod na binaril ng retired army ang anak ni G. Tayan na si Arvin, 24 anyos, na nagtamo ng apat na tama bala ng baril na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Pumasok sa bahay ang suspek at binaril din niya ang isa pang anak ni Mr. Tayan na si Arjay na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril habang ang misis na si Brigida ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril at ginagamot sa isang ospital sa Santiago City.

Tinamaan din ng ligaw na bala si Fretchie Lacar na nasa loob ng tindahang pinagtaguan ni Gng. Tayan.

Agad na tumakas ang suspek habang dinala sa magkakahiwalay na pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Arvin.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo at tingga ng Cal. 45 baril.

Tiniyak ng pamunuan ng PNP Alicia na tutugusin nila ang suspek na itinuturing na mapanganib dahil armado.