--Ads--

Pinatay ng mga armadong kalalakihan ang hindi bababa sa limampung katao at kinidnap ang mga kababaihan at bata sa Tungan Dutse village, Zamfara State, Nigeria.

Nagsimula ang atake noong Huwebes ng gabi at nagpatuloy hanggang Biyernes. Dumating ang mga armado sakay ng motorsiklo, nagsunog ng mga bahay, at kumuha ng mga residente bilang bihag.

Ayon sa mambabatas na si Hamisu Faru, patuloy na tumataas ang bilang ng mga nasawi, ngunit hindi pa tiyak ang kabuuang bilang ng mga na-kidnap.

Nabatid din na may mga palatandaan bago ang pag-atake, ngunit walang aksyon ang mga awtoridad.

--Ads--

Ang hilaga at kanlurang bahagi ng Nigeria ay patuloy na nakakaranas ng mga banta sa seguridad mula sa mga gang at rebelde.

Kamakailan, nakipag-ugnayan ang Nigeria sa Estados Unidos para sa dagdag na tulong sa seguridad, kasama ang isang daang sundalong Amerikano na magbibigay ng “technical support” at “intelligence sharing” sa laban kontra terorismo.