CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit limandaang mag-aaral sa kolehiyo ang nagtipun-tipon sa isang pribadong paaralan sa lungsod ng Santiago para simulan ang Youth Movement na may layong bigyang impormasyon ang mga kabataan patungkol sa isyu sa West Philippine Sea.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Lessa Sarangaya, ang Vice Chairperson ng Student Council Alliance of the Philippines, sinabi niya na maraming kabataang Pilipino ang kulang sa kaalaman patungkol sa isyu sa WPS.
Nararapat lamang aniyang mamulat ang mga kabataan sa ginagawa ng China sa karagatang sakop ng bansa at dapat ding may pakialam ang bawat Pilipino upang ipagtanggol ang ating karapatan.
Aniya hindi lang ito isyu sa ngayon kundi mararanasan din ng mga susunod na henerasyon kung hindi mapipigilan at hindi magkakaroon ng boses ang bawat mamamayang pilipino.
Kailangang maging mulat at bumoses ang mga Pilipino upang gumawa ng aksyon ang pamahalaan laban sa pambubully ng China sa ating karagatan.











