Inaprubahan na ng Asian Development Bank (ADB) ang $500 milyong pautang para tulungan ang Pilipinas na maibalik ang nanganganib na marine ecosystems at mapalawak pa ang mga industriya na nakadepende sa karagatan, batay sa inilabas na pahayag ng bangko kahapon, Disyembre 10.
Ang proyektong ito sa ilalim ng Marine Ecosystems for Blue Economy Development Program (Subprogram 1) ay naglalayong palakasin ang productivity at iba’t ibang sektor ng kabuhayan sa karagatan, habang pinatitibay rin ang katatagan ng mga pamayanang nasa baybayin, ayon sa ADB.
Kasama rin dito ang mga hakbang para mabawasan ang plastic at solid waste pollution, pati ang pag-akit ng mas maraming pamumuhunan sa likas na yaman upang masiguro ang pangmatagalang katatagang ekolohikal at pangkabuhayan.
Ayon kay ADB Philippines Country Director Andrew Jeffries, mahigit kalahati ng populasyon ng Pilipinas ang umaasa sa karagatan at mayamang marine biodiversity para sa pagkain at kabuhayan.
Aniya, malaking potensyal ng blue economy na maging susi sa pagkamit ng inklusibo, matatag, at low-carbon na pag-unlad.
Dagdag pa ni Jeffries, ito ang kauna-unahang malawakang cross-sector program ng ADB sa rehiyon na nakatutok sa pag-angat ng blue economy.
Tiniyak din niya ang patuloy na suporta ng ADB sa Pilipinas para maabot ang mga layunin nito para sa climate resilience at low-carbon development.
Batay sa opisyal na datos, ang blue economy na kinabibilangan ng pangingisda, ocean-based manufacturing, turismo, shipping, at offshore energy ay nag-ambag ng P1.01 trilyon o 3.8% ng GDP noong 2024.
Patuloy namang nalalagay sa panganib ang mga marine ecosystems dahil sa polusyon, hindi napapanatiling gawain, at mas malalakas na epekto ng pagbabago ng klima.
Tinatamaan ang bansa ng humigit-kumulang 20 bagyo kada taon, at ang dalawang malalakas na bagyo noong Nobyembre ay nagdulot ng daan-daang pagkasawi, malawakang pagbaha, at storm surge.
Ayon pa sa ADB, tugma ang programa sa Philippine Development Plan at mga pangmatagalang estratehiya ng bansa para sa klima.






