
CAUAYAN CITY – Handa ang Department of Education (DepEd) region 2 sakaling ipatupad na ang limited face-to-face classes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Amir Mateo Aquino, head ng Public Affairs Unit ng DepEd region 2 na noong nakaraang taon na pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa face-to-face classes ngunit binawi ay nagsumite na sila ng mga paaralan na nakatugon sa criteria o pamantayan para sa face-to-face classes.
Ayon kay Ginoong Aquino, 52 schools sa region 2 ang kanilang inirekomenda matapos ang konsultasyon sa mga stakeholders tulad ng mga mag-aaral, magulang at Local Government Unit (LGU).
Sa mga paaralan ay pinakamarami ang Batanes na low risk area sa COVID-19 cases na umabot sa 23, sa Cauayan City 9, sa Cagayan 6, sa City Ilagan 4 , sa SDO Isabela 6 habang sa Nueva Vizcaya ay 4.
Sa Tuguegarao City at Quirino Province ay walang inirekomenda ang DepEd region 2.
Sa Tuguegarao City ay maraming paaralan ang ginagamit na isolation at quarantine facility at magkakalapit ang mga ito kaya ninais ng LGU na huwag munang magrekomenda.
Sa lalawigan naman ng Quirino ay sinabi umano ni Governor Dax Carlo Cua na tingnan muna nila ang sitwasyon.
Samantala, halos siyam na raan ang mga mag-aaral sa region 2 ang hindi nakapasa sa 1st quarter ng distance learning sa school year 2020-2021
Sinabi ni Ginoong Aquino na dati nang may mga concerns sa mga mag-aaral kahit noong wala pa ang COVID-19 pandemic at mas maraming adjustment ngayon kaysa sa nakasanayan na dapat matugunan.
Lumabas sa report ng mga schools division offices sa ikalawang rehiyon na noong unang quarter ay may 897 na hindi nakapasa.
Ito ay .13% lamang ng kabuuang 807,000 na mag-aaral sa elementarya at sekundarya sa ikalawang rehiyon.
Ayon kay Ginoong Aquino, may sinusunod na DepEd order para sa assessment at pag-compute ng grade ng mga mag-aaral.
May ginagawa nang intervention o hakbang ang mga guro para makaugnayan ang mga hindi pumasang mag-aaral at kanilang mga magulang.
Hinggil sa module for sale, sinabi ni Ginoong Aquino na nakakalungkot balita ito at kanilang kinokondena.
Walang ganito isyu aniya dito sa ikalawang rehiyon.
Ipinapaalala nila sa mga stakeholders lalo na ang mga magulang hinggil sa mga values para hindi makompromiso ang pag-aaral ng mga anak sa pamamagitan ng modular learning method.










