Isang rubber boat na may 55 pasahero, kabilang ang dalawang sanggol, ang lumubog sa karagatan malapit sa Libya, ayon sa International Organization for Migration (IOM).
Dalawa lamang ang nakaligtas na parehong babae mula sa Nigeria, na nasagip ng mga awtoridad.
Ayon sa IOM, halos anim na oras matapos umalis sa lungsod ng al-Zawiya sa Libya, napasukan ng tubig ang bangka at tuluyang lumubog. Karamihan sa mga pasahero ay mga migrants at refugees mula sa iba’t ibang bansa sa Africa. Isa sa mga nakaligtas ay nawalan ng asawa, habang ang isa pa ay nawalan ng kanyang dalawang sanggol. Agad naman silang nabigyan ng emergency medical care.
Nitong 2025, halos 500 migrants ang naiulat na namatay o nawawala sa pagtatangkang tumawid sa Mediterranean mula Libya. Sa kabila ng panganib, patuloy pa rin ang mga migrants sa ganitong biyahe.
Ayon sa IOM, kumikita ang mga human trafficker sa pamamagitan ng pagpapasakay sa mga tao sa mga delikadong bangka. Nanawagan sila ng mas matibay na kooperasyon mula sa ibang bansa at ng pagkakaroon ng ligtas at legal na mga ruta para sa migration upang mabawasan ang bilang ng namamatay sa dagat.
Pinupuna rin ang Libya ng ilang bansa, kabilang ang UK at Spain, dahil sa umano’y pang-aabuso, torture, at iba pang karahasan laban sa mga migrants sa mga detention centre.







