CAUAYAN CITY – Tumutulong na rin ang mga kasapi ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa mga kapulisan sa ikalawang rehiyon para sa pagsasagawa ng checkpoints dahil sa Enhanced Community Quarantine na umiiral sa buong Luzon dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Noriel Tayaban, chief ng Division Public Affairs Office ng 5th ID, sinabi niya na ang ginagawa nilang augmentation sa mga kapulisan ay bahagi ng kanilang non-traditional activities o non-combat activities na tinatawag din nilang humanitarian assistance sa panahon ng mga kalamidad.
Aniya, kung anuman ang mga polisiya na ipinapatupad ng PNP tungkol sa Enhanced Community Quarantine ay iyon din ang kanilang sinusunod.
Sa lahat ng lugar na kanilang nasasakupan sa rehiyon maging sa Cordillera Administrative Region (CAR) ay may mga nakatalaga ng kasapi ng 5th ID.
Tiniyak naman ng opisyal na may ginagamit na face mask ang mga ito na sila mismo ang nagbigay habang may mga ibinigay naman ang ilang grupo.
Samantala, Tinawag ng 5th Infantry Division, Philippine Army na isang propaganda lamang ang pagkuwestiyon ng ilang grupo sa presensya ng militar sa mga checkpoint na isinasagawa ng mga kapulisan dahil sa Enhanced Community Quarantine na umiiral sa buong Luzon.
Ayon kay Major Noriel Tayaban, ang mga grupong ito ay hindi nila alam ang kanilang ginagawa.
Aniya, malaking bagay ang presensya ng militar at pulis dahil kung ang mga health personnel lamang ang makikita ng mga tao ay maaring hindi sila sumunod.
Inihalimbawa pa niya ang ibang bansa na nauna ng dinapuan ng COVID-19 na ang mga sundalo at pulis ang kanilang naging katuwang para mapigilan ang pagkalat ng nasabing virus.











