CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army na may mga pulitikong nagbayad ng permit to campaign at permit to win sa mga nagdaang halalan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Major Jekyll Dulawan, hepe ng DPAO na may mga dokumento silang nakuha sa listahan ng mga lokal na pulitiko lna nagbigay ng cash o in-kind sa mga New People’s Army (NPA).
Nakasaad sa listahan ang pangalan ng pulitiko at kung magkano ang kanilang ibinigay sa mga rebelde.
Nagbigay din aniya ng rebelasyon tungkol dito si Ka Ivy, dating front secretary ng CPP-NPA sa Cagayan dahil ginagawa nila noon ang paghingi ng permit to campaign fee.
Binigyang-diin ni Major Dulawan na dapat itigil na ito ng mga kandidato bilang pakikiisa sa pulisya at militar sa paglipol na sa mga rebelde.
Aniya, dahil sa permit to campaign fee at permit to win tuwing halalan ay nakakalikom ng malaking halaga ang mga NPA para sa patuloy nilang operasyon.
Batay sa rebelasyon ng mga sumukong kadre, malaking source o pinagkukunan ng pondo ng mga NPA ang pangingikil sa mga kandidato tuwing halalan.
Nakikiusap si Major Dulawan sa mga pulitiko na huwag nang magbigay ng pera dahil maganda na ang momentum laban sa NPA at dapat silang makatuwang sa pagsisikap para mawala na sila.
Ang mga pulitiko rin aniya ang makikinabang kung wala nang naghahasik ng takot sa kanilang nasasakupan dahil maayos nilang maibibigay sa mga mamamayan ang kanilang serbisyo.
Ayon kay Major Dulawan, mayroon ding ibang grupo na alam ang scheme ng mga NPA at ginagaya.
May paraan aniya ang militar para makita kung galing ito sa mga NPA o mga ‘kuraddog’ na grupo.
Makipag-ugnayan lamang sila sa pulisya at militar para ma-track o matukoy ang mga grupong ito.
Nagbabala si Maj Dulawan na ang Anti-Terroism Act of 2020 ay maaaring gamitin laban sa mga pulitiko na nagbibigay ng suporta sa mga NPA sa pamamagitan ng malaking halaga na ibinibigay bilang permit to campaign at permit to win.











