Mananatiling naka-deploy ang hanay ng mga kasundaluhan sa mga lugar na may hinihinalang presensya ng mga makakaliwang grupo sa kabila ng holiday season.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Melvin Asuncion, Hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army sinabi niya na ito ay alinsunod sa kautusan ni Secretary of National Defense Gilberto Teodoro na walang mangyayaring ceasefire sa pagitan ng mga mlilitar at ng mga natitirang miyembro ng mga makakaliwang grupo.
Apat na araw bago ang anibersaryo ng CPP-NPA-NDF ay wala pa naman umano silang na-monomitor na mga pagkilos ng naturang grupo ngunit tiniyak naman niya na hindi sila magpapakampante at pinaghahandaan aniya nila ang anumang mga aktibidad ng grupo.
Sa kabila ng kanilang paggampan sa tungkulin ay tuloy pa rin naman ang hanay ng 5th ID sa pagpapadama ng diwa ng pasko sa kanilang nasasakupan.
Kamakailan lamang ay namahagi ang kanilang hanay ng food packs sa 114 na pamilya sa Cagayan partikular sa mga naapektuhan ng nagdaang mga bagyo na tumama sa Region 2.
Katuwang aniya ang Tactical operations Group o TOG 2 ay mamahagi rin sila ng relief goods sa mga far flung areas sa Batanes at sa kasalukuyan ay inaantay na lamang nila ang availability ng mga air assets upang mas mabilis nilang maiabot ang mga tulong.