Tiniyak ng pamunuan ng 5th Infantry Division ng Philippine Army na patuloy parin nilang babantayan ang mga lugar sa kanilang nasasakupan sa kabila ng paglipat ng kanilang focus mula Internal Security Operations (ISO) patungo sa External Security Operations (ESO).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MGen. Gulliver Señires, Commander ng 5th Infantry Division, bagama’t nakatuon na ang Northern Luzon Command sa mga banta mula sa labas ng bansa, hindi nila pababayaan ang mga komunidad na maaaring maapektuhan ng tinatawag na “security vacuum.”
Ipinaliwanag ni Señires na sa panahon ng transisyon, mahalagang manatiling alerto ang mga yunit ng militar sa mga lugar na maaaring samantalahin ng mga makakaliwang grupo para sa kanilang recruitment at propaganda.
Bilang halimbawa, binanggit ang sitwasyon sa bayan ng Dupax del Norte, kung saan may pagtutol ang ilang mamamayan laban sa lokal na pamahalaan kaugnay ng pagmimina sa kanilang lugar. Ayon sa opisyal, ang ganitong uri ng isyu ay maaaring gawing pagkakataon ng mga rebeldeng grupo upang makalapit at makahikayat ng mga bagong kasapi.
Dahil dito, tiniyak ng 5th Infantry Division na magpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang pag-usbong ng anumang banta sa seguridad.
Dagdag pa ni Señires, ang layunin ng kanilang hanay ay mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa buong Hilagang Luzon, kasabay ng paghahanda sa anumang external threats na maaaring kaharapin ng bansa.










