--Ads--

Isang 6.4-magnitude na lindol ang yumanig sa mga lalawigan ng Shimane at Tottori sa kanlurang Japan kahapon, Enero 6, bandang alas-10:18 ng umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bombo International News Correspondent Hannah Galvez mula Japan, ang lindol ay may lalim na humigit-kumulang 10 hanggang 11 kilometro at umabot sa upper 5 hanggang 6 sa Shindo scale ng Japan.

Sa silangang bahagi ng Tokyo kung saan naroroon si Galvez, hindi naramdaman ang pagyanig. Nilinaw rin niya na walang inilabas na tsunami warning matapos ang lindol.

Ikinuwento ni Galvez na ang pagyanig ay naging matagal at sinundan ng maraming aftershocks, dahilan upang mangamba ang mga residente sa apektadong lugar. Sa kabila nito, mabilis umano ang naging tugon ng pamahalaan ng Japan, kung saan agad naglabas ng abiso ang kanilang prime minister hinggil sa mga dapat gawin ng publiko.

--Ads--

Ayon pa kay Galvez, pansamantalang itinigil ang operasyon ng transportasyon, lalo na ang tren, sa apektadong lugar sa loob ng halos tatlong oras at muling nagbalik bandang alas-1 ng hapon. Isa sa mga binantayang mabuti ay ang nuclear power plant sa Shimane, subalit iniulat ng mga awtoridad na walang naitalang abnormalidad.

Bagama’t wala pang ulat ng malubhang pinsala, nananatiling nakaalerto ang mga awtoridad dahil sa posibilidad ng mga kasunod pang pagyanig. Patuloy rin ang monitoring sa kalagayan ng mga residente, kabilang na ang mga Pilipinong naninirahan sa apektadong lugar.