--Ads--

CAUAYAN CITY – Nailigtas ng mga otoridad ang 6 na babae mula sa Mindanao na pinaniniwalang biktima ng human trafficking at sapilitang pinagtrabaho sa isang videoke bar sa Tumauini, Isabela.

Ang rescue operation sa mga biktima ay pinangunahan ng DSWD Region 2, Women and Children’s Protection Desk ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at Police Regional Office number 2.

Ang mga inarestong suspek ay ang mag-asawang Alex Carbonel, 38 anyos at Laila Carbonel, operator ng Zora Bar, kapwa residente ng District 4, Tumauini, Isabela.

Isinama rin sa kaso si Leslie Gazzingan, 41 anyos, caretaker ng nasabing bar.

--Ads--

Damay din sa kaso ang Japanese na si Hiro Hihumi Kawabata, 41 anyos at ang asawang Pinay na si Catherine, 38 anyos, kapwa residente ng Maruyama, Japan.

Ang mga biktima ay itinago sa mga pangalang Regine, 24 anyos, residente ng Poblacion Columbio, Sultan Kudarat; Rona, 26 anyos; Kristine, 25 anyos at Jovelyn, nasa wastong gulang na pawang residente ng Tampakan, South Cotabato; Lani, 24 anyos at Shaila, 23 anyos, kapwa residente ng Koronadal City.

Natuklasan ang kalagayan ng mga biktima nang magsumbong si Shaila na sila umano ay na-recruit mula sa Mindanao at pinangakuang magsanay sa pagsasalita ng Nipongo.

Gayunman, nagulat sila nang pilitin silang magtrabaho bilang Guest Relation Officer (GRO) sa Zora Bar sa Tumauini, Isabela.

Ang mga biktima ay dinala na sa Haven, isang kanlungan ng mga kababaihan sa Solana, Cagayan.