--Ads--

CAUAYAN CITY – Sumuko sa pamahalaan ang ilang kasapi at supporter ng makakaliwang grupo sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), sumuko ang  rebelde na si  Ka Edwin, 67-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Ammoweg, Ambaguio, Nueva Vizcaya.

Sumuko rin si Ka Robin matapos hikayatin ng kanyang pamilya na magbalik loob sa pamahalaan.

Noong taong 1981 ay pumasok bilang miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTG) si Ka Robin sa ilalim ng Ifugao command na may operasyon sa Benguet, Nueva Vizcaya at Ifugao.

--Ads--

Nakumbinsi ring sumuko sa pamahalaan si Ka Puno, 56-anyos, magsasaka, may asawa at residente rin ng Ammoweg, Ambaguio, Nueva Vizcaya.

Taong 1986 nang pumasok siya sa makakaliwang grupo matapos hikayatin ng isang Ka Romi sa ilalim ng Ifugao command na may operasyon sa Benguet, Nueva Vizcaya at Ifugao.

Sumuko rin si Ka Leo, 67-anyos na kasapi ng Rufino Pajarillo Command, may asawa at residente ng Domang, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.

Nahimok namang sumuporta sa mga rebelde sina Ka Linda at Ka Liway na nagsilbing underground movement o pasabilis ng halos limang taon bago matuklasan ng pamahalaan na sila ay CTG Supporter kaya tuluyang naging kasapi ng rebeldeng pangkat.  

Naging kasapi sila ng Rufino Pajarillo Command at naging miyembro ng Platoon Uno sa ilalim ng isang Ka Freddie bilang Commanding Officer na may operasyon sa Probinsiya ng Quirino at Nueva Vizcaya.

Kasama rin sila sa naganap na sagupaan sa pagitan ng mga rebelde at mga kasapi ng 48th Infantry Battalion sa Sitio Kadaratan, Brgy. Cabbuaan, Bayombong, Nueva Vizcaya na nagresulta ng pagkasawi ng dalawang NPA.

Ang mga sumukong rebelde ay inaasikaso na ang matatanggap na benepisyo mula sa pamahalaan.