Anim na katao ang inaresto ng pulisya matapos maaktuhang naglalaro ng ilegal na sugal na Tong-its sa Cauayan City, bandang alas-2:10 ng hapon nitong Enero 25.
Ayon sa Cauayan City Police Station, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang grupo na nagsasagawa umano ng ilegal na pagsusugal sa harap ng bahay ng isang residente.
Kinilala ang mga naaresto bilang sina alias “Romer,” 60 taong gulang, may asawa, magsasaka at residente ng Purok 4, Barangay Daburab, Cauayan City; alias “Nene,” 53 taong gulang, may asawa, magsasaka at residente ng Purok 5, Barangay Santa Luciana, Cauayan City; alias “Chris,” 40 taong gulang, may asawa, guro at residente ng Purok 3, Barangay District 2, Reina Mercedes, Isabela; alias “Julius,” 59 taong gulang, may asawa, negosyante at residente ng Purok 5, Barangay Maligaya, Tumauini, Isabela; alias “Pablo,” 42 taong gulang, binata, negosyante at residente ng Purok 5, Barangay Daburab, Cauayan City; at alias “Che,” 33 taong gulang, binata, walang trabaho at residente ng Purok 6, Barangay Santa Luciana, Cauayan City.
Sa isinagawang beripikasyon ng mga operatiba sa pangunguna ni PCpt. Arvin Asunsion, nadatnan ang mga suspek na aktwal na naglalaro ng Tong-its kaya agad silang inaresto. Nakumpiska mula sa mga suspek ang halagang P1,230 bilang bet money, anim na set ng baraha, dalawang lamesang plastik at anim na monoblock na upuan.
Ang mga naaresto at ang mga ebidensya ay dinala sa himpilan ng pulisya bandang alas-3:15 ng hapon ng parehong araw para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang Anti-Illegal Gambling Law. Patuloy ang paalala ng pulisya sa publiko na iwasan ang anumang uri ng ilegal na sugal at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa komunidad.
--Ads--











