CAUAYAN CITY– Sugatan ang anim na katao matapos mahulog ang sinasakyan nilang SUV sa malalim na bahagi ng lansangan sa nasasakupan ng Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino.
Ang mga biktima na sakay ng isuzu highlander ay minamaneho ni Richard Domingo,46 anyos, may asawa, residente ng Barangay Sillawit, Cauayan City; Warlito Villanueva, 41 anyos, may-asawa, magsasaka; Alexia Villanueva, 15 anyos; Johnny Domingo, 52 anyos, may asawa , magsasaka; Analyn Villanueva, 47 anyos, pawang residente ng Sillawit, Cauayan City at sina Jayson Sablay,13 anyos; Lucas Sablay, 10 anyos na kapwa residente naman ng Dipintin, Maddela, Quirino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Major Michael Alberto, hepe ng Nagtipunan Police Station na pauwi na sana ang mga biktima mula sa Palanan, Isabela ng makarating sila sa pakurbadang bahagi ng daan nang nahulog ang kanilang sinasakyan sa may lalim na labintatlong talampakan.
Anya, madilim sa lugar kaya’t hindi umano napansin ng driver ang pakurbadang daan.
Sinubukan pa umanong magpreno ni Domingo subalit sa bigat ng 13 kataong sakay bukod pa sa isang kabang bigas at ilang kagamitan ay dumiretso pa rin ang nasabing sasakyan sa malalim na butas.
Agad dinala sa pagamutan ng rescue teams ng Nagtipunan at Maddela ang mga sugatang biktima para malapatan ng lunas.