--Ads--

6 na matataas na uri ng baril nasamsam ng mga sundalo sa pinangyarihan ng labanan sa Abra

CAUAYAN CITY – Nakarekober ang mga sundalo ng anim na matataas na uri ng baril matapos ang nangyaring engkwentro sa Barangay Kilong-Olao, Boliney, Abra.

Batay sa progress report na natanggap ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Star Division ng Philippine Army na nakahimpil sa Camp Melchor Dela Cruz sa Upi, Gamu, Isabela, ang 24th Infantry Batallion ang nakarekober ng tatlong M16 Armalite rifle, isang M203 Grenade Launcher at dalawang M14 Armalite rifle.

Walang nai-ulat na casualty mula sa hanay ng pamahalaan habang isang sugatang babaeng rebeldeng komunista ang nadakip ng mga sundalo.

--Ads--

Narekober din ng mga sundalo ang 15 backpacks na may lamang personal na kagamitan, subersibong dokumento, dalawang handheld radios, walong cellphone, assorted medical paraphernalia, binoculars at iba’t ibang uri ng bala ng M16 at M14 rifles.

Ayon kay Lt. Col. Tomas Dominic Baluga, Commander ng 24th IB, ang kanyang mga sundalo ay nagsasagawa ng security patrol upang iberipika ang sumbong na may mga armadong grupo sa naturang lugar.

Sa kanilang pagtugon ay pinaputukan umano sila ng mga rebeldeng komunista na nauwi sa palitan ng putok.