Nasawi ang isang 6-anyos na batang lalaki matapos masagasaan ng isang SUV habang nagbi-bisikleta sa barangay road ng Mambabanga, Luna, Isabela, pasado alas-nwebe ng gabi, nitong Pebrero 25.
Ang biktima ay nakilalang si Angelo Domingo, residente ng kaparehong lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jonathan Ramos, hepe ng Luna Police Station, sinabi niyang binabaybay umano ng driver ang barangay road nang bigla na lamang may tumawid na batang nakabisikleta. Dahil sa biglaang pagtawid ng bata, hindi na umano agad nakapagpreno ang driver kaya’t nasagasaan nito ang biktima.
Kinilala ang suspek bilang si alyas “Lito,” 73 -anyos, residente ng San Mateo, Isabela.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumabas na hindi umano nakainom ng alak ang driver nang mangyari ang insidente.
Samantala, ayon naman kay Darwin Lorenzana, Administrative Aid IV ng Luna DRRMO, pagdating nila sa lugar ay naabutan na nilang wala nang pulso ang bata. Nagtamo ito ng matinding pinsala sa ulo kung saan bitak ang halos 50 porsyento ng bungo nito at bahagyang nakausli ang bahagi ng utak, na naging sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima.
Napag-alaman din na bago ang insidente ay galing umano sa burol ng kanilang kakilala ang bata at maglalaro sana ito nang mangyari ang trahedya.
Samantala, naipabatid ng pulisya na nagkaroon na rin ng aregluhan o kasunduan sa pagitan ng suspek at ng pamilya ng biktima kaugnay sa insidente.
Gayunman, patuloy pa rin ang dokumentasyon at pagproseso ng mga kinakailangang papeles hinggil sa nangyaring aksidente.
Muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga magulang na mahigpit na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak, lalo na sa gabi, upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.
Home Local News
6 taong-gulang na batang lalaki, nasawi matapos masagasahan ng sasakyan sa Luna, Isabela
--Ads--






