CAUAYAN CITY – Hindi na madaanan ang anim na overflow bridges sa lalawigan ng Isabela dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog na dulot ng mga pag-ulang dala ng bagyong Kristine.
Ito ay kinabibilangan ng Gucab at Annafunan Overflow Bridge sa bayan ng Echague, Alicaocao Overflow Bridge sa Lungsod ng Cauayan, Baculud at Cabisera 8 Overflow Brdige sa Lungsod ng Ilagan at ang Cabagan – Sta Maria Overflow Bridge.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante Foronda, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Isabela, sinabi niya na bagamat may pag-apaw ng tubig ay gradual o unti-unti lamang ang pagtaas ng antas ng tubig sa Cagayan River.
Samanatala, nagsilikas na ang ilang mga residente sa Coastal Town ng lalawigan ng Isabela partikular sa bayan ng Divilacan, Palanan at Dinapigue.
Ayon kay Atty. Foronda, gawa sa light materials ang bahay ng mga evacuees at malapit sa baybayin.
Minabuting ilikas na ang mga residente sa mas ligtas na lugar dahil sa banta ng storm surge.
Sa kabuuan ay nasa 61 families o 216 individual inilikas sa Divilacan habang sa Palanan ay may 16 Families o 60 individual.
Maliban sa Coastal Towns ay may mga lumikas na rin sa Bayan ng Gamu na 12 Pamilya o katumbas ng 40 na indibiduwal, Cabatuan na may 4 na pamilya o 16 indibiduwal, Echague na may isang pamilya o 4 na indibiduwal at Jones na may dalawang pamilya o 6 indibiduwal.
Ito ay dahil nakatira ang mga nasabing katao sa mga mababang lugar o malapit sa ilog.
Pinaaalalahanan naman niya ang publiko na laging mag-monitor sa lagay ng panahon upang malaman kung anong klase ng paghahanda ang gagawin.