--Ads--

CAUAYAN CITY – Halos maabo ang nasa anim na raang ektarya na bahagi ng National Greening Program at ilang bahagi ng protected area sa Barangay Carmencita, Delfin Albano, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 3 Reynold Tamayo Fire Marshall ng Delfin Albano Fire Station sinabi niya na dahil sa malaking sunog ay hindi kinaya ng BFP Delfin Albano na apulahin ang grass fire kaya agad silang humingi ng tulong sa Mallig at Tumauini Fire Station para mabilis na makapasok ang mga fire truck sa lugar.

Aniya pahirapan na magtungo sa area dahil bulubundukin ito at makapal na ang usok.

Nagawa nilang maisalba ang protectecd area kung saan matatagpuan ang mga puno ng kahoy at wild ducks subalit ilang bahagi ng National Greening Program ang nasunog.

--Ads--

Matapos maapula ang sunog ay nagsagawa ng occular inpection ang Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO Delfin Albano at tinatayang halos anim na raang ektarya ng National Greening Program ang nasunog.

Nakakalungkot aniya dahil nadamay na nasunog ang mga saplings, G-melina at Narra.

Bagamat bulubundukin ay may ilang kabahayan sa lugar kaya tinitingnan nila ang anggulo na may nagsunog malapit sa lugar dahil may isa umanong magsasaka na nagsunog sa kaniyang sakahan na posibleng naging sanhi para kumalat ang apoy.

Ito na aniya ang pinakamalaking grass fire na naitala sa Bayan ng Delfin ALbano sa nakalipas na mga taon dahil halos lamunin na ang buong taniman ng mga tree saplings.

Dahil sa insidente ay nagbabala na rin si Mayor Arnold Edward Co na pananagutin ang sino mang nasa likod ng pagkasunog ng National Greening Program para hindi na pamarisan.

Hindi naman ito ang unang pagkakataong nakakapag tala sila ng Grass fire lalo na at nagsimula na ang pagtatanim ng mais at halos lahat ng mga magsasaka ay nagsusunog na sa kanilang mga sakahan bilang bahagi ng preparasyon sa pagpunla na mas pinalala ng mainit na panahon.