CAUAYAN CITY – Umabot sa halos 91 million ang halaga ng mga programa at serbisyo ang ipinagkaloob na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mahigit 6,000 na benepisaryo sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DOLE Region 2, sinabi niya na una rito ay ang kanilang flagship program na TUPAD.
Aniya umabot sa 6,481 na benepisaryo ang napagkalooban ng tulong at pinakamarami ay mula sa benepisaryo ng TUPAD program.
Ginanap din ang awarding ng mga DLIP Beneficiaries o DOLE Integrated Livelihood Program at namahagi ang DOLE region 2 ng starter kits at negokarts sa mga benepisaryo sa rehiyon.
Maliban sa mga nasabing programa ay mayroon pang tatlong programa ang ahensiya katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nagbigay din ng assistance kahapon.
Una ay ang AKAP Program na one-time assistance na ibinibigay ng DOLE sa mga OFWs na apektado ng pandemya.
Ayon kay Ginoong Trinidad nasa 19 na OFWs ang nabigyan ng tulong habang nasa 12 dependents din ng mga OFWs na nag-aaral sa kolehiyo ang naging benepisaryo ng TABANG OFW Program o ang Tertiary Education Subsidy.
Nasa 30,000 ang maibibigay sa mga ito para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
Panghuli ang programa ng OWWA na SPIMS o Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am/Sir.
Ito ay assistance namang ibinibigay sa mga OFWs na LET Passer at 37 na benepisaryo ang nabigyan ng tulong.
Samantala, magkakaroon naman ng TUPAD payout sa bayan ng Roxas ngayong araw.
Nasa 1,000 ding TUPAD beneficiaries mula sa bayan ng Tuao, Cagayan ang magkakaroon ng payout sa araw ng Biyernes.







