CAUAYAN CITY – Umabot sa 6,574 family food packs na nagkakahalaga ng mahigit 4.1 million pesos ang ipinamahagi ng DSWD region 2 sa mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang Bagyong Betty.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Director Lucy Allan ng DSWD region 2 na umabot sa 7,515 families o 24,455 katao ang inilikas mula sa pitumput apat na barangay ng Cagayan, Isabela at Batanes dahil sa bagyong Betty.
Ang mga evacuees ay bumalik na sa kanilang mga bahay matapos lumabas sa bansa ang Bagyong Betty.
Hindi anya sila nakapagbigay ng non-food items dahil hindi naman nagtagal sa mga evacuation center ang mga evacuees.
Laking pasasalamat nila dahil walang nasirang mga bahay at walang nasawi o nasugatan.
Sa ngayon ay susuriin nila upang matiyak na hindi masasayang ang mga natitirang family food packs na naka-preposition sa iba’t ibang Local Government Units.
Abala rin sila ngayon sa pagbibigay ng training katuwang ang mga LGUs sa pangangalaga ng mga kababaihan at mga bata kapag nasa evacuation centers.